Ilang linggo na lang ang natitira bago magpasukan. Grabe. Talaga nga namang napakabilis na ng panahon ngayon. Parang kailan lang e gradeschool ka pa lang. Wala ka pa sa tamang pagiisip mo. Tapos, makalipas ang ilang taon (na talaga namang napakabilis kung lumipas) e hayskul ka na, kung kailan unti-unting namumulat ang mga mata mo sa tunay na itsura ng mundo. Tapos, pagmulat mo nung isang araw e papasok ka nang magisa upang suungin ang mga taong gugulin mo sa kolehiyo.
Parang kailan lang. Hai. Nakakamiss. Madami akong namimiss sa mga ritwal na ginagawa natin noon bago magpasukan. Alam kong napagdaanan mo din ito. Lahat naman siguro ng mga naging estudyante e naranasan ito. Hindi nga lang parepareho ang naranasan ng lahat. Natatandaan mo ba yung mga araw na umiiyak ka pa kapag hindi nabili ang gustong mong pencil case? E yung mga oras na sumisimple ka sa magulang mo na kunwari'y tumitingin ka sa isang bagay sa loob ng book store at tila ba may ipinapahiwatig ka sa magulang mo na "Ma, Pa, kailangan ko ito." (Sinasabi mo ito gamit ang pagkilos at paggalaw mo. Iniisip mo ito kahit hindi mo naman talaga ito kailangan). Yung mga sandaling parang laro lang sa atin ang pagpupulot ng magandang pencil case (yung tipong dalawang palapag ang yari), makukulay na nowtbuk, matutulis na lapis, mga ereyser na hugis ulo ng mga hayop at kung ano ano pa. Alam kong naiintindihan mo ako. Alam kong alam mo din ito. At higit na alam kong naranasan mo ito. Pero, alam nating lahat na hindi na ito mauulit.
Mabilis nga masyado ang panahon. Sadyang mapaglaro ang oras. Parang kailan lang e nagsasaya tayo sapagkat tapos na ang mga eksams. Parang kahapon lang e ramdam na ramdam natin ang init ng araw. Mabilis lang ba talaga ang oras o baka naman ay masyado lang akong nagbabalik sa aking/ating nakaraan?
O. Natapos na naman ang isang gabing pagsusulat. Baka bukas o makalawa e babangitin ko na ang mga katagang "Pasukan na naman?!"
No comments:
Post a Comment