Less is more.
Monday, May 17, 2010
Sa likod ng mga telon
Sa likod ng mga telon...
Sa dinami dami na ng mga palabas, mula sa dula hanggang sa mga konsyerto, ay tila ba may napapansin akong lagi nating nakakaligtaan. Mga taong naghirap, nagsumikap, nagalay ng kanilang oras, nagsakripisyo at nagpuyat para lamang makapagbigay ng isang magandang palabas. Sila ang mga tong natatakpan ng kasikatan ng mga stars. Mga taong di na bibigyan ng halaga ng mga manunuod dahil nabulag sila sa kung sino ang nakikita nila sa harapan. Sila ang mga nilalang sa likod ng mga telon.
Noong nakaraang sabado, May 15, 2010, ay nanuod ako at ang aking ina ng konsyerto ni Vice ganda, isang komedyante na kilala dito sa ating bansa. Namangha ako sa galing niyang magpatawa ng tao. At mas lalo akong namangha sapagkat napuno niya ang Araneta Coliseum. Di hamak na nakagawa na nga siya ng kanyang sariling pangalan sa industryang kanyang pinasukan. Pero paano ang ilan? Paano ang iba? Paano sila? Hindi rin ba sila makatatanggap ng pagpunyagi at papuri sa mga taong nanuod sa kanya?
Alam ko ang pakiramdam ng ganito.Kalimitan nung ako ay nasa hayskul pa lamang ay sanay na akong maging tauhan ng mga sinasabi nating stars na gumaganap sa entablado. Simula sa pagiging props coordinator hanggang sa piliin akong maging direktor ng mga nakatataas sa akin ay nagawa ko na. Lahat yan ay napagdaanan ko na at masasabi kong hindi madali ang ginagawa nila/ko kapag may mga okasyong kailangang magpakitang gilas sa ibang tao. Pero ang kinaibahan lamang ng aking naranasan sa mga taong nasa likod ng mga telon sa isang engrandeng palabas e nakakakuha ako ng papuri na higit sa papuring natatanggap ng iba. Pero, sa totoo lang e hindi ko pa alam kung talaga bang hindi nabibigyan ng karampatang puri ang mga taong aking tinutukoy. Kaya naman masasabi kong walang kredibilidad ang mga sinsabi ko.
Ang akin lang naman, base sa aking nakikita e para bang may kulang. Parang hindi balanse ang pagtingin ng ilan sa atin sa mga stars at ng mga tauhan nito. Oo, masasabi kong may pagkakaiba ang mundong kanilang ginagalawan. Magkaiba sila ng daan na tinatahak. Pero sa huli ay sa iisang lugar lamang ang kanilang kailangang datnan... at yun ay ang makagawa ng magandang produksyon. Pero ang masakit e hindi lahat ay nakakakuwa nga ng papuri. Maaring lahat ay nakakukuwa ng parangal pero hindi ang papuri.
Kaya ko ito ginawa at sinulat ay para puriin ang mga taong naghirap ng husto pero nasapawan ang kanilang hirap ng mga gumaganap sa entablado. Ako'y humaganga sa inyo dahil sa dedikasyong meron kayo upang makagawa ng isang mahusay at magandang palabas. Kung hinangaan ko si Vice Ganda (o kung sino mang stars diyan) ay mas lalo ko kayong hinagangaan dahil alam ko sa sarili ko na hindi biro ang ginagawa niyo para sa mga artistang gumaganap. Marahil hindi nga sapat ang papuri na inyong tinatanggap pero sa kabila nito, ako mismo ang magsasabing hindi sa papuri nababatay kung gaano kagaling ang inyong ginawa kundi sa kung anong dinala at dinulot nito sa inyong palabas. Hindi man namin makita ng personal kung pano niyo ito ginagawa ay sapat na ang isang maganda at mahusay na pagtatanghal upang sabihin na "Kayo ang tunay na stars sa gabing ito!"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment